Lunes, Hunyo 17, 2013

Janna

Janna
(Lk. 7:36-50)

Nakakatuwa itong si Janna. Kapag nagpo-post siya nang pictures ang daming nagla-like. Ang sabi niya maraming nagla-like kase marami lang siyang kaibigan. Pero totoo naman siyang pretty. Pero hindi lang outside. pag nakilala nyo siya, pati na rin sa loob, she is a beauty. More than the outside beauty she is a beauty inside. She is pretty inside out…

Ganun talaga siguro ang buhay. Kapag maganda ang kalooban nagiging maganda rin ang panlabas. Tingnan ninyo ang mga totoong kaibigan. Sila yung nakaka-apppreciate ng kabaitan at kabutihan nang nang isang tao. Sabi nga ni Ate Lally nung minasan: “Ang galit nakakapangit.” Totoo rin ito. Tingnan nyo yung mga masusungit at ang ugali ay pangit…makita nyo pa lang ang hitsura ay iiwas na kayo.

Tanungin nyo yung mga estudyante. Kapag may teacher na masungit ito ay iiwasan. Hahanap at hahanap nang ibang teacher hwag lang makita si teacher sungit. At kahit na nga gabihin pa o kaya ay mahirap ang schedule ito pa rin ang pipiliin i-enroll hwag lang maging teacher ang kasungitan na nagkatawang-tao.

Sa Mabuting Balita, dalawang tao ang lumapit kay Hesus. Ang una ay ang Pariseo. Para sa kanya isa siyang taong matuwid. Mataas ang tingin sa kanya nang mga tao kase nasa itaas siya nang lipunan. Ang isa naman ay yung babae. Para sa lipunan siya ay mababa at basura lamang. Wala siyang puwang sa lipunan.

Ang Pariseo ay tumanggap kay Hesus pero hindi ito buong-buo. Pinatuloy nga niya si Hesus pero hindi ito 100% na pagtanggap. Ayon sa kultura nang mga Hudyo ang bisita ay dapat na hinuhugasan ang paa sa pagpasok nito sa bahay pero hindi ito ginawa nang Pariseo. Ang babae naman ay buong-buo ang pagtanggap. Hinugasan niya ang paa ni Hesus sa pamamagitan nang kanyang mga luha at ang buho nito ang kanyang ipinampunas.

Wala mang puwang ang babaeng ito sa lipunan dahil sa kanyang mga pagkukulang pero para kay Hesus busilak naman ang kanyang kalooban. Maaaring sa lipunan ang babae ay isang basura lamang pero para kay Hesus isa itong mahalagang kayamanan.

Kung meron mang maganda rin ang kalooban sa panahong ito ay walang iba kundi ang mga tatay. Sila yung mga taong ang inuuna ay ang kabutihan nang pamilya at tahanan. Marami silang sakripisyo para sa ikagaganda nang pamilyang kanyang minamahal. HAPPY FATHERS DAY!

Minsan may nakasabay ako sa fx na isang tatay. May kinuha siya sa kanyang bulsa naisang sobre. Binuksan niya ito at kanyang tiningnan. Napatingin na rin ako sa laman nang sobre. Ang laman pala nito ay pay slip mula 15 hanggang 30 nang buwang iyon. Nung makita ko ang date naisip ko agad na late na niya natanggap ang sweldo niya. Ang sweldo niya ay umaabot nang P5,000.00. Pero meron siyang cash advance na P1,000.00 at meron pang mga kinaltas para sa SSS at Philhealth at iba pang bayarin. Kaya ang maiuuwi niya ay mahit P3,000. Gumamit pa nang ballpen ang tatay na ito at kanyang tiningnan kung tama ang mga deductions.

Naisip ko ang mga sakripisyo nang tatay na ito. Maaaring minsan isang lingo lang siya umuwi nang bahay at makita ang pamilya sapagkat sayang din naman ang pamasahe niya na pwedeng pambili na nang pagkain nila. Maaaring hindi siya kumakain nang sapat sapagkat ang kakainin niya ay para sa pambayad nang matrikula nang mga anak niya. Maaaring kulang din ang tulog at pahinga niya sapagkat kailangan kumita para sa pangangailangan nang pamilya.

Ang totoo nyan ay sabihin na natin na medyo maswerte pa rin ang tatay na ito sapagkat merong mga tatay na kahit gaano kahaba ang kanilang oras sa pagtatrabaho ay hindi pa rin makasapat sa pamilya. Hindi na rin ako nagtataka kung bakit kapag ang isang lalaki ay nag-aasawa ay mas madali silang tumanda kasama na ang hitsura. Ang inuuna kase nila ay kung anong makakabuti sa pamilya.

Ito ang dahilan kaya nga ang mga tatay ang pinakagwapong nilalang para sa mga anak!

Alam ni Hesus ang kalooban nang bawat isa. Pinatawad ni Hesus ang babae sapagkat totoo ang paghingi niya nang tawad. At dahil mas malaki ang ipinatawad sa kanya nang Panginoon lubos lubos ang kanyang kagalakan.

Kaya nga kung gusto mong maging pretty unahin mo muna ang sarili. Pag busilak ang kalooban ang kasunod niyan ay kagandahan. Hwag maging masungit para di pumangit…

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento