Independence Day
(Mt. 5: 17-19)
Independence Day. Araw nang kalayaan. Pero ano nga ba ang tunay na kahulugan nang kalayaan?
Ang ipinagdiriwang natin ay ang paglaya nang bansa mula sa mahabang
pang-aalipin nang mga mananakop. Matagal din napailalim ang mga Pilipino
sa mga dayuhan at dahilan sa ating mga bayani, sa pagbubuwis nila nang
buhay, sa pag-aalay nila nang kanilang dugo, nakamit din ang minimithing kalayaan. Pero malaya na ba talaga ang Pilipinas?
Sa level nang bansa sa aking palagay ay hindi pa rin totoong malaya.
Kung titingnan kase sa mas malaking perspektibo, may mga bagay pa ring
sunod-sunuran ang Pilipinas sa ibang bansa na ang hangad ay kunin ang
kayamanan nang Pilipinas. Halimbawa nito ay ang isyu nang pagmimina, ang
panggigipit sa bansa para payagan ang mga produktong galing sa kanila
at ibenta sa ating bansa katulad nang mga contraceptives at mga
produktong gamit sa agrikultura (insecticides, pesticides, genetically
modified seeds, etc.).
Sa level naman nang personalidad, may
mga pag-iisip na tila bumabaluktot sa tunay na kahulugan nang kalayaan.
Halimbawa sa mga bata at mga estudyante. Minsan ang iniisip nila ay
hindi sila malaya kapag pinapagalitan sila sa tuwing ginagabi nang uwi
dahil sa barkada. Pakiramdam nila hindi sila malaya kapag sinesermunan
sila kapag hindi sila nag-aaral at ang inaatupag sa maghapon ay ang
paglalaro nang candy crush. Para sa kanila ang kalayaan ay ang paggawa
nang hindi sila pinapakialaman.
Gayun din halimbawa sa
mag-asawa. Sabi nga nung mga tambay sa kanto, ang pag-aasawa daw ay
parang hawla o kulungan. Ang mga ibon na nasa labas ay gustong makapasok
pero ang mga nasa loob nang hawla ay gustong makawala. Sa relasyon sa
loob nang pamilya, minsan ay nagkakabanggaan nang ugali kase may
kanya-kanyang kagustuhan at ang gusto nang isa ang pinipilit na ipasunod
sa iba.
Ano nga ba ang tunay na kahulugan nang kalayaan?
Sa Mabuting Balita sinabi ni Hesus: “Hwag ninyong akalain na naparito
ako para pawalang-bisa ang Batas at Mga Propeta. Naparito ako hindi
upang magpawalang-bisa kundi upang magbigay-karapatan.”
Para
sa mga Hudyo kapag nabanggit ang batas meron itong apat na pwedeng
pakahulugan. Una, ang sampong utos nang Diyos. Ikalawa, ang unang Limang
Aklat o ang Pentateuch. Ikatlo, ang buong Skriptura. At ang huli, ang
tinatawag na Oral/Scribal Law.
Ang Scribal Law ay mga mumunting
batas na interpretasyon nila sa mga naunang batas. Umaabot ito nang
libong mga kautusan at ito ang ipinapapasan sa mga tao. Dahil dito
nakalimutan na nila ang tunay na diwa nang batas. Naging alipin na sila
nang mga batas na ginawa nila. Hindi na sila naging malaya.
Ang
kahulugan pala nang kalayaan ay hindi yung paggawa na walang pipigil o
yung paggawa para sa sariling kaligayahan. Ang batas na tinutukoy ni
Hesus, ang mga batas na ibinigay nang Diyos ang magpapalaya sa bawat isa
kung ito ay susundin.
Ang tunay na paglaya pala ay yung pagsunod
sa kalooban nang Diyos. Ang kalooban nang isang tao ay dapat na
nakakawing sa kalooban nang Diyos.
Gusto mong maging tunay na malaya? Sundin ang batas nang Diyos, ang Batas nang Pag-ibig…
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento