Its Complicated
(Lk. 7: 11-17)
May isang kwento* tungkol sa isang matanda na nagpunta sa ospital para
mag-pacheck up. Binigyan siya nang nurse nang form para kanyang
fill-up-an. Sinagutan nang matanda ang mga tanong pero may isang tanong
na nahirapan siyang sagutan. Tinanong niya ang nurse: “Ano ang ilalagay
ko sa status?” “Yun pong estado nang buhay ninyo.” Sagot nang nurse.
Sinabi nang matanda: “Ako ay nang-iisa
na sa buhay.” “Ganun po ba, single po ang ilagay nyo.” Pero sinabi nang
matanda: “Pero meron akong asawa at may mga anak kami at mga apo.”
Married po lola ang ilagay nyo.” Pero humirit pa din ang matanda. Sabi
niya: “Panu yun eh hindi naman kami talaga kinasal sapagkat
ipinagkasundo lang kami sa baranggay?” Nainis na ang nurse at sinabi:
“Bahala na kayo lola kung anong gusto ninyong ilagay.” At nagsulat na
ang matanda. Nagulat ang nurse nang kunin niya ang form. Ang nilagay ni
lola sa status ay: ITS COMPLICATED!
Complicated ba ang buhay mo?
Mahirap at nakalulungkot ang mamatayan. Kaya nga siguro kahit na
namatay ay atin pa itong pinaglalamayan. At meron ding pag-ala-ala na
siyaman. Pero hindi lang yun. Meron pang 40days. At pagkatapos nang
isang taon meron pang babang luksa. Marahil ang dahilan nito ay ayaw
nating mawala ang mahal natin sa buhay.
Malungkot at masakit ang
mawalay ang isang mahal sa buhay. Sabi nga, pag namatay ang asawa ang
tawag natin ay balo. Pag namatay ang magulang ang tawag natin ay ulila.
Pero pag namatay ang anak wala tayong katawagan. Ang dahilan daw nito ay
sapagkat walang salita na makaka-describe sa kapighatian nang mamatayan
nang anak.
Sa Mabuting balita ay napakingggan natin na isang
ina ang maglilibing sa kanyang anak. Pero bago yun ay naranasan na niya
ang mawalan nang mahal sa buhay. Nawalan na siya nang asawa. Ang tao na
iniisip niya na makakasama niya sa pagtanda ay di na muling babalik sa
kanya. At ngayon ay nawalan naman siya nang anak. Pero hindi lang basta
anak. Ang pumanaw ay ang kaisa-isa niyang anak. Doble dobleng
kapighatian. Doble dobleng kalungkutan.
Alam ito ni Hesus at
gumawa siya nang himala. Binuhay niya ang binata at ibinalik sa kanyang
ina. Hindi lang ang anak ang kanyang binuhay sapagkat sa pagbalik nang
anak nabuhay muli siya sa kanyang kapighatian at agam-agam. May
makakasama na siya. Hindi na siya nag-iisa. May mag-aalaga na sa kanya
sa kanyang katandaan.
Wala tayong kakayahan na bumuhay nang patay.
Gayunpaman, ang hamon sa atin ay alagaan ang buhay. Ang pwede nating
gawin ay bantayan ang buhay.
Iwasan ang mga bisyo.
Iwasan
ang sigarilyo. Sa bawat paghithit mo nang usok ay unti-unti mong
pinapatay ang sarili mo. Sa bawat usok na pumapasok sa katawan mo ay
binabawasan mo nang ilang minuto ang paglagi mo sa mundong ito. Pati na
nga ang ibang tao na nakakalanghap nang usok nito ay dinadamay mo.
Hwag masyado sa pag-iinom. Kapag sobra sobra sa pag-iinom, inaabuso mo
na rin ang katawan mo. Alam nyo po ba kung bakit nagsusuka ang isang
lasing? Ang dahilan nito ay hindi na kaya nang katawan. Ito ang defense
mechanism nang katawan upang sabihin na naabot na ang limitasyon upang
tanggapin nang katawan ang alak.
Droga. Alam natin na walang
mabuting maibubunga ito. Pati pamilya ay nagugulo dahil sa epekto nang
mga bawal na gamot. Kapahamakan ang dulot nito.
Alagaan natin
ang ating buhay at ang buhay nang ibang tao. Kailangan ito sapagkat
maraming umaasa sa iyo. Alagaan mo ang buhay mo sapagkat kapag ikaw ay
nawala maraming magdadalamhati at malulungkot sa mga naiwan mo. Alagaan
mo ang sarili mo sapagkat maraming nagmamahal sa iyo. Alagaan mo ang
buhay mo sapagkat ito ang gusto nang Diyos para sa iyo.
Hwag gawing kumplikado ang buhay. Matutong alagaan ang buhay…
*salamat kar Fr. Marr Ronquillo sa kwentong ito.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento