Javar
(Jn. 10: 27-30)
Ako po ay may alagang aso sa kwarto. Bigay sa akin ni kuya Fr. Butch.
First time kong mag-alaga nang aso. Noon kase mga askal ang aking mga
aso kaya di masyadong alagain. Basta pakainin mo lang ayos na sila. Ang
asong ito ay dauchaund. Ang pag-aalaga pala ay di basta-basta.
Kailangang tingnan kung may pagkain at baka magutuman. Kailangan din
laging may tubig siya na maiinom. Kailangan ding paliguan.
Nagbago ang buhay ko nang dumating si Javar. Kinailangan kong itaas
lahat nang aking gamit kase kanya itong ngangatngatin. Dalawang bagong
tsinelas na nga ang kanyang nasira. Ilang mga papel na din ang kanyang
pinaglaruan. Kinailangan kong linisin ang kanyang mga dumi. Buti na lang
matalino siya. Sa CR na din dumudumi. Noong minsan isang madaling-araw
bigla na lang akong nagulat. Si Javar ginising ako. Gusto palang
makipaglaro.
Pero masaya ako kay Javar. Malambing ang asong
ito. Kapag pumapasok ako sa room ko sinasalubong agad ako. Sumasayaw pa
siya. Dumadamba sa akin na tila gusto akong yakapin. Kahit makulit siya
marunong din siyang sumunod. Kapag may ginagawa ako lalo na kapag
nag-facebook ako hihiga na siya at ang paa ko ang gagawin niyang unan.
Yan si Javar. Makulit pero malambing. Yan ang alaga ko.
Ikaw meron ka bang inaalagaang hayop?
Sa lugar na hindi na tayo pamilyar tungkol sa pagpapastol ito po ang
ating pwedeng gamiting imahe: ang pagiging tagapag-alaga. Kapag ikaw ay
tagapag-alaga marami kang responsibilidad na dapat gampanan sapagkat sa
iyo nakasalalay ang buhay nang iyong inaalagaan.
Ang pagiging
tagapag-alaga o pastol ang pinili ni Hesus na pagpapakilala niya sa
kanyang sarili. Ang dahilan nito ay sapagkat sa kanya ipinagkatiwala
nang ama ang pagbabalik sa mga taong lumayo dahil sa kasalanan. Si Hesus
ang gabay tungo sa paglalakbay pabalik sa Ama. May mga elemanto ang
pagiging pastol ni Hesus.
Una, dahil siya ang tagapag-alaga
dapat pinapakinggan natin siya. Siya dapat ang ating sinusunod. Ang
dahilan nito ay sapagkat hindi niya tayo dadalhin sa kapahamakan. Sa
panahon ngayon maraming boses ang ating naririnig pero sana kilala natin
ang tinig ni Hesus. Hindi rin ating sarili ang dapat na sinusunod. Ang
kalooban nang Diyos ang ating dapat na laging sinusunod.
Ikalawa, may assurance si Hesus na kapag tayo ay nasa kanya, hindi tayo
mapapahamak. Kung bakit wala pa rin tayong kasiyahan kahit na nasa atin
na ang kayamanan, kasikatan at kapangyarihan ang dahilan ay sapagkat
wala tayo kay Hesus. Iba ang ating sinusunod. Kilala tayo ni Hesus.
Walang pwedeng itago. Ang sabi nga ni San Agustin: “huli na nang mahalin
kita.”
Ikatlo, ipinapahayag ni Hesus na siya at ang Ama ay
iisa. Kung bakit concern si Hesus sa mga pasaway na mga anak ay sapagkat
concern ang Ama para sa atin. Hindi nais nang Ama na ang kahit isa sa
atin ay mapahamak. Ang sabi nga sa isang panalangin: “Kahit ito ay iisa,
labis siyang magdadamdam.”
Ngayong nagpapakilala si Hesus
bilang taga-pag-alaga natin, hwag tayong bumitiw sa kanya. Pakinggan
lagi ang kanyang tinig sa pamamagitan nang panalangin. Sundin lagi ang
kanyang utos sa pamamagitan nang paggawa na tama. Siguradong dadalhin
niya tayo sa magandang pastulan.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento