Zakeo
Zakeo
(Lk. 19: 1-10)
Pandak ka ba? Ano ang ginagawa mo upang pagtakpan ang iyong kapandakan?
May isang kwento tungkol sa isang pamilya na mayaman na merong isang
anak. Busy lagi ang mga magulang sa kanilang trabaho sa kanilang
negosyo. Maaga silang umaalis ng bahay at gabi na din umuuwi kaya kumuha
sila ng katulong at para may mag-alaga din sa kanilang anak.
Sa di inaasahang pagkakataon ay nalugi ang kanilang negosyo. Kaya
ipinagbili nila ang malaki nilang bahay at lumipat sa isang maliit na
bahay. Hindi na rin nila kayang magpasweldo sa kanilang katulong kaya
pinaalis na din nila ito.
Dahil dito maaga na silang umuuwi ng
bahay para asikasuhin ang kanilang anak. Isang gabi bigla silang niyakap
ng kanilang anak at sinabi nito: “Nanay, Tatay sana po di na tayo
maging mayaman para maaga lagi kayong umuwi at ng makasama ko lagi
kayo.”
Doon napagtanto ng mga magulang na hangad ng anak ang
kanilang presensya at para sa anak ito ay mas mahalaga kesa kayamanan.
Nung sila ay mayaman nawalan sila ng panahon sa pamilya; Nung nawala ang
kanilang kayamanan nabuo ang kanilang pamilya!
Sa Mabuting
Balita gayon gayun din ang kwento. Nung siya ay mayaman nakalimutan niya
ang Diyos pero nung binitiwan niya ang kayamanan natagpuan niya ang
Diyos.
Sino ba si Zakeo? Siya ay isang pandak. Kulang sa
height. Unano. At mahirap ang kalagayan na ganito. Mahirap at mabagal
ang paglalakad. Laging nakatingala sa mga taong kausap. Pero ang mas
nakakapampaliit pa sa kaniya ay siya ay itinuturing na isang
makasalanan.
Isa siyang Hudyo pero maniningil ng buwis kaya
itinuturing siya sa komunidad na mababa. Hindi lang siya maniningil,
siya ay pinuno nito. Ang maniningil ng buwis ay itinuturing na madumi
sapagkat hindi sila tapat at sila rin ay naglilingkod sa hari ng Roma at
hindi kay Yahwe.
Mayaman man siya, siya naman ay itinuturing
na mababa sa lipunan. Siya kabahagi ng lipunan pero itinuturing siyang
makasalanan. Meron nga siyang pera pero tinatalikuran naman siya ng
kaniyang mga kababayan.
Sa kaniyang kalagayan nasa puso pala
niya ang paghahangad na matagpuan ang tunay niyang hinahanap: ang
Panginoon. Nakituloy si Hesus sa bahay nito. Si Hesus na mismo ang
nag-volunteer na tumuloy sa bahay nito. Sabi ni Zakeo: “Panginoon
ibibigay ko sa mga dukha ang kalahati ng aking ari-arian; at kung may
nadaya ako, apat na beses ko siyang babayaran.”
Pinalaya ni
Zakeo ang kaniyang sarili sa pamamagitan ng pagbibigay ng kayamanan
niya. Ang kayamanan pala na itinuring niya na magbibigay sa kaniya ng
karangalan ay siyang umaalipin sa kaniya. Ang pera pala na itinuturing
niyang magbibigay sa kaniya ng dagdag na tangkad upang kilalanin sa
lipunan ay siya pang lalong nagpapababa sa kaniya. Ang gawain pala niya
na inaakala niyang magdadala sa kaniya upang tanggapin ng lipunan ay
siya pang nagpapalugmok sa kaniya upang siya ay layuan.
Ang
kapandakan ni Zakeo ay tinakluban niya ng kayamanan. Pero sa kaniyang
pagyakap sa kayamanan mas lalo pala siyang naging maliit at lalong
nagkulang.
Pinakawalan ni Zakeo ang kayamanan sapagkat natagpuan niya ang Diyos na tunay na kayamanan.
Piliin natin lagi ang Panginoon. Gusto niyang makituloy sa ating tahanan...
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento