Miyerkules, Nobyembre 6, 2013

Maglakad

Maglakad
(Lk. 14: 25-33)

Sumakay o maglakad? Ano ang pipiliin mo?

Madali ang sumakay. Di ka papawisan. Madali ka pang makakarating sa pupuntahan mo. Kung may dala, hindi ka mahihirapan.

Pag ikaw ay naglakad papawisan ka. Kahit na nga may payong ka pag nasinagan ka na ng haring araw siguradong papatak ang pawis mo. Kung galing kang palengke at may binili kang isda baka bilasa na iyon pagdating mo sa iyong bahay. Kung gulay naman ay baka lanta na at di na mapakinabangan pa.

Kung tag-ulan naman mababasa ang iyong paa at kung nakasapatos ka siguradong mangangamoy iyon. Dagdag pa diyan ang paglaki ng iyong kalyo sa mga paa mo. Pag ikaw ay naglakad di ka pa sigurado, baka mabiktima ka ng mga manggagantso.
Ano ngayon ang pipiliin mo, sumakay o maglakad?

Pinili ni Hesus ang maglakad. Hindi lang yun, pinili niya na pasanin ang krus. Mahirap man pero kinaya niya dahil ito lang ang paraan upang dumaloy ang biyaya ng kaligtasan para sa mga taong nakulong sa kasalanan. Sa pamamagitan nito pinalaya ni Hesus ang mga tao sa tanikala ng kamatayan.

Kung ito ang ginawa ni Hesus, Gusto mo pa rin bang sumunod sa kaniya?

Ang sabi ni Hesus: “Hindi pwedeng maging alagad ko ang di nagpapasan ng kanyang krus sa pagsunod sa akin.” Hindi lang pala basta sumusunod kay Kristo, dapat ay pinapasan ang krus na nakaatang sa kaniya. At si Hesus ang dapat na laging una. Mas una pa sa pamilya, mas una pa kesa sa sarili…

Sumakay o maglakad?

Maglakad tayo. Hwag mag-alala. Di ka nag-iisa sa paglakad sapagkat si Hesus ay kasama mong naglalakad. Sa dulo ng pagsunod sa kaniya ay naghihintay ang Ama…

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento