Sabado, Nobyembre 16, 2013

Bayani

Bayani
(Lk. 17: 26-37)

Bayani. Ito ang salita na ginagamit natin sa mga tao na nagsakripisyo ng sarili para sa bayan. Sila yung mga tao na ang inuna ay ang kabutihan ng marami at di ng sarili. Sila yung mga tao na nagbigay ng buhay para mabuhay at magkaroon ng magandang buhay ang iba.

Bayani. Ito ang salita na ginagamit natin sa mga tao sa ngayon na nagbabahagi para sa mga nabiktima ng bagyong Yolanda. Sila yung mga tao na tumutulong upang kahit papaano ay maibsan ang kahirapang pinagdadaanan ng maraming tao na nawalan ng mahal sa buhay, wala ng babalikang tahanan, at mga taong hindi sigurado ang kinabukasan.

Nagsulputan ngayon ang mga bayani. May isang lalaki na walang anak pero nagsagip ng buhay ng apat na bata. May kwento ng isang babae na nung siya ay pumunta sa evacuation area ay may nakita na nagugutom na sanggol at kaniya itong pinadede sa kanya. May isang kabataan na ang pambili niya ng bagong celfon ay ibinigay na lamang niyang tulong.

May mga mahirap din ang buhay pero nag-ambag din ng tulong. May mga bata na ang kanilang naipon sa alkansya ay iniabot bilang tulong. May ibang lahi nagumagawa ng paraan upang makalikom ng salapi upang maibigay sa nangangailangan.

Sa panahon ng kalamidad lumalabas ang maraming bayani. Pero sa mata ng Simbahan hindi lamang sila mga bayani, sila din ay itinuturing na mga banal. Sabi ni Hesus: “Mawawalan ng kanyang sarli ang sinumang nagsisikap na magligtas nito at ang mawawalan ng sarili ang magsisilang nito sa buhay.”

Ang pagtulong, pagsasakripisyo, paghahangad ng kabutihan ng iba, pagbibigay ng sarili para sa nangangailangan, paggawa ng kabutihan para sa ibang may pinagdadaanan…ito ay mga gawaing banal!

Hindi lamang sila mga bayani. Sila ay mga banal!

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento