Sabado, Nobyembre 9, 2013

Untitled

Untitled
(Lk. 20: 27-38)

May isang kwento tungkol sa isang pari na bumisita sa isang bahay. Nakilala niya ang isang nanay na may pitong anak. Sabi ng pari: “Gusto ko rin pong makilala ang inyong pitong anak.” Tinawag ng nanay ang panganay. Sabi niya: “Ito Father ang panganay. Juan ang kaniyang pangalan.” Tinawag niya ang ikalawa. Sabi niya: “Ito Father ang ikalawa. Juan ang kaniyang pangalan.” Tinawag niya isa-isa ang natitirang anak at sinabi niya na Juan ang pangalan ng mga ito.

Nagtanong ang pari: “Di po ba kayo nahihirapan sa pagtawag sa kanila kase pareho ang kanilang mga pangalan?” Sumagot ang nanay: “Hindi po ako nahihirapan Father kase tinatawag ko sila sa kani-kanilang mga apelyido!”

Para sa mga Hudyo mahalaga ang pamilya. Mahalaga na magkaroon ng kaayusan kaya nga kapag namatay ang asawang lalaki, ang kasunod na kapatid nito ay dapat na magpakasal sa babae upang mabiyayaan ng anak. Ito ang ginamit ng mga Sadduceo upang hamunin si Hesus tungkol sa buhay pagkatapos ng buhay na ito sapagkat sila ay di naniniwala dito.

Sabi ni Hesus ang mga namatay ay muling mabubuhay at di na mag-aasawa. Mabubuhay sila na parang mga anghel. Sa kabilang buhay ay magkakaroon ng makalangit na katawan. Doon ay wala ng kapighatian. Malulubos ang kagalakan sapagkat makakasama na ang Lumikha.

Isang katotohanan na makikita natin sa panahon ngayon ay ang kawalan ng paghahanda sa kabilang buhay. Dahil bata pa, malakas, walang sakit at dahil natatamo ang mga mithiin sa buhay, nakakalimutan na na meron pang mas mataas na dapat paghandaan: ang buhay sa kabila.

Marami ang nabubuhay sa kasalukuyan na tila ba ito lang ang buhay. Kaya nga marami ang nagiging makasarili, nagtatago ng kayamanan kahit na nga sa maling pamamaraan.

Ang pagdating ng bagyong Yolanda ay paalala sa atin na kailangan tayong maging laging handa. Meron pang mas mataas na pagpapahalaga sa buhay na ito at walang iba kundi ang pamumuhay ngayon pa man ng buhay sa kalangitan…

Patuloy nating ipagdasal ang mga napinsala ng bagyo. Ipagdasal din nating yung mga taon nasawi dahil sa kalamidad na ito.

Magkaisa tayo upang bumangon muli. Sama-sama tayo sa paglalakbay patungo sa buhay na walang hanggan.

Di na mag-aasawa sapagkat ang bawat isa ay magiging anak ng Diyos…

Si Hesus ang unang namatay na muling nabuhay. Ganun din ang naghihintay sa ating kapalaran kung tayo ay magpapakabanal...

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento