Lunes, Nobyembre 11, 2013

Epal

Epal
(Lk. 17: 7-10)

Nakakainis yung mga epal.

Nagkaroon na nga ng kalamidad eh sarili pa rin ang iniisip. Sila yung mga pulitiko na ginagamit ang sitwasyon upang magpapansin. Sila yung kapag nagbigay ng tulong ay nakalagay ang kanilang mukha at pangalan sa mga plastic na may nakalagay na tulong.

Hindi naman sa sariling bulsa iyon galing kundi sa taong bayan din pero ginagamit nila upang magkaroon ng pansariling ganansiya. At shempre habang nagbibigay ng tulong ay may nakabuntot sa kanilang kamera upang maipakalat ang kanilang “kagandahang loob.” Sasabihin pa sa inaabutan na: “Galing po kay ………….”

Nakakabweset talaga yung mga epal.

Sila yung mga pulitiko na kapag nagpagawa ng mga proyekto ay nakalagay ang kanilang pangalan na tila iyon ay kanilang monumento. Ito naman ay proyekto ng mamamayan at sila bilang namumuno ay mga nagpapatupad lamang. Hindi ba’t ginagawa lamang nila ang kanilang trabaho? Bakit kailangang ipagkaingay pa ang kanilang ginagawa?

Epal ding matatawag yung mga opisyales na naghahangad ng mas malaki kesa sa dapat nilang tanggapin. Nabalitaan nyo ba yung mga bonus ng mga matataas na nangangasiwa sa maraming opisina ng gobyerno? Sabi nila ito daw ay naaayon sa batas? Pero makatarungan ba ito gayung ang kinukuha nila ay napakalaking halaga at para sa ordinaryong tao ito ay maituturing na malaking kayamanan na?

Sila ang mga epal!

Sabi ni Hesus: “Pagkagawa ny’o sa lahat ng iniutos sa inyo, sabihin n’yo: ‘Maga karaniwang utusan kami; ginawa lang naming ang dapat naming gawin.’”

Ito pala ang dapat. Kapag gumawa ng isang bagay ay di na dapat naghihintay ng anumang kabayaran. Masiyahan na sa sweldo. Hwag ng magpapansin. Hwag ng ipagkaingay ang ginawang pagtulong. Gawin na lamang ang inaasahang gawin at magpasalamat na nagawa ang responsibilidad na iniaatang sa sarili.

Tama na ang epal. Tumulong na lang tayo sa mga nasalanta ng bagyo...

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento