Sabado, Nobyembre 16, 2013

Bangon Pilipinas

Bangon Pilipinas
(Lk. 21: 5-19)

Nakakatakot yung nangyaring kalamidad dulot ng bagyong si Yolanda. Nawasak ang mga simbahan. Nasira ang dating maunlad na bayan. Maraming buhay ang sa isang iglap ay nawala.

Wala na silang simbahan na mapupuntahan ngayong linggo. Ang dati rati na sentro ng pananampalataya ay hindi na nila maaninag kung nasaan. Wala na ang lugar na kanilang pinagtitipunan upang manalangin sa Panginon. Wala na ang lugar ng sambahan. Wala na ang gusali na simbolo ng kanilang paniniwala sa Diyos.

Wala na ang magandang lugar na dinadayo ng taga ibang lugar. Wala na ang mga gusali na palatandaan ng kanilang maunlad na ekonomiya. Wala na ang mga sasakyan na instrumento ng kanilang mabilis na pagtakbo ng buhay. Naglaho na din ang mga makabagong teknolohiya na itinayo nila.

Maraming buhay ang nawala. Marami ang sa isang iglap ay naging ulila. Nawalan ng anak, nawalan ng asawa, nawalan ng magulang, nawalan ng kaibigan…Hindi na maibabalik ang dating anyo ng kanilang buhay.

Nawala man ang simbahan ngunit hindi nawala ang Diyos. Ang Simbahan ay ang mga taong patuloy na kumakapit at sumasampalataya sa kanya.

Mahihirapan mang itayo muli ang komunidad pero hindi naigupo ng bagyo ang pag-asa ng mga tao na magsimula muli. Hindi inilipad ni Yolanda ang lakas ng loob ng mga tao na sama-samang bumangon at harapin ang kanilang pinagdadaanan. Walang maiiwan. Sama-sama sa pagbangon.

Hindi na maibabalik ang buhay ng mga yumao pero naiwan naman sa kanila ang magagagandang ala-ala na nagtuturo sa kanila na ang buhay ay isang biyaya mula sa Diyos na dapat na ipinagpapasalamat.

Sa Mabuting Balita ngayong linggo ganito din ang ibinibigay na pangitain ni Hesus. Ang templo na itinuturing ng mga Hudyo ay guguho, masisira ang hinahangaang ganda nito. Para sa kanila ang templo ay ang simbolo ng presensya ng Diyos kaya nga sa pagkasira nito ay para na ring nawala ang Diyos sa kanila.

Isang paalala ni Hesus sa atin: Hindi maikakahon ang presenya ng Diyos sa apat na sulok ng simbahan! Ang Diyos ay patuloy na gumagalaw sa gitna ng trahedya. Mahirap man unawain pero dito natin lubos na mararamdaman na kailangan natin ang Diyos.

Sabi ni Hesus: “Sa inyong pagtitiis ay tatamuhin ninyo ang buhay na walang hanggan!.”

Bayani

Bayani
(Lk. 17: 26-37)

Bayani. Ito ang salita na ginagamit natin sa mga tao na nagsakripisyo ng sarili para sa bayan. Sila yung mga tao na ang inuna ay ang kabutihan ng marami at di ng sarili. Sila yung mga tao na nagbigay ng buhay para mabuhay at magkaroon ng magandang buhay ang iba.

Bayani. Ito ang salita na ginagamit natin sa mga tao sa ngayon na nagbabahagi para sa mga nabiktima ng bagyong Yolanda. Sila yung mga tao na tumutulong upang kahit papaano ay maibsan ang kahirapang pinagdadaanan ng maraming tao na nawalan ng mahal sa buhay, wala ng babalikang tahanan, at mga taong hindi sigurado ang kinabukasan.

Nagsulputan ngayon ang mga bayani. May isang lalaki na walang anak pero nagsagip ng buhay ng apat na bata. May kwento ng isang babae na nung siya ay pumunta sa evacuation area ay may nakita na nagugutom na sanggol at kaniya itong pinadede sa kanya. May isang kabataan na ang pambili niya ng bagong celfon ay ibinigay na lamang niyang tulong.

May mga mahirap din ang buhay pero nag-ambag din ng tulong. May mga bata na ang kanilang naipon sa alkansya ay iniabot bilang tulong. May ibang lahi nagumagawa ng paraan upang makalikom ng salapi upang maibigay sa nangangailangan.

Sa panahon ng kalamidad lumalabas ang maraming bayani. Pero sa mata ng Simbahan hindi lamang sila mga bayani, sila din ay itinuturing na mga banal. Sabi ni Hesus: “Mawawalan ng kanyang sarli ang sinumang nagsisikap na magligtas nito at ang mawawalan ng sarili ang magsisilang nito sa buhay.”

Ang pagtulong, pagsasakripisyo, paghahangad ng kabutihan ng iba, pagbibigay ng sarili para sa nangangailangan, paggawa ng kabutihan para sa ibang may pinagdadaanan…ito ay mga gawaing banal!

Hindi lamang sila mga bayani. Sila ay mga banal!

Lunes, Nobyembre 11, 2013

Epal

Epal
(Lk. 17: 7-10)

Nakakainis yung mga epal.

Nagkaroon na nga ng kalamidad eh sarili pa rin ang iniisip. Sila yung mga pulitiko na ginagamit ang sitwasyon upang magpapansin. Sila yung kapag nagbigay ng tulong ay nakalagay ang kanilang mukha at pangalan sa mga plastic na may nakalagay na tulong.

Hindi naman sa sariling bulsa iyon galing kundi sa taong bayan din pero ginagamit nila upang magkaroon ng pansariling ganansiya. At shempre habang nagbibigay ng tulong ay may nakabuntot sa kanilang kamera upang maipakalat ang kanilang “kagandahang loob.” Sasabihin pa sa inaabutan na: “Galing po kay ………….”

Nakakabweset talaga yung mga epal.

Sila yung mga pulitiko na kapag nagpagawa ng mga proyekto ay nakalagay ang kanilang pangalan na tila iyon ay kanilang monumento. Ito naman ay proyekto ng mamamayan at sila bilang namumuno ay mga nagpapatupad lamang. Hindi ba’t ginagawa lamang nila ang kanilang trabaho? Bakit kailangang ipagkaingay pa ang kanilang ginagawa?

Epal ding matatawag yung mga opisyales na naghahangad ng mas malaki kesa sa dapat nilang tanggapin. Nabalitaan nyo ba yung mga bonus ng mga matataas na nangangasiwa sa maraming opisina ng gobyerno? Sabi nila ito daw ay naaayon sa batas? Pero makatarungan ba ito gayung ang kinukuha nila ay napakalaking halaga at para sa ordinaryong tao ito ay maituturing na malaking kayamanan na?

Sila ang mga epal!

Sabi ni Hesus: “Pagkagawa ny’o sa lahat ng iniutos sa inyo, sabihin n’yo: ‘Maga karaniwang utusan kami; ginawa lang naming ang dapat naming gawin.’”

Ito pala ang dapat. Kapag gumawa ng isang bagay ay di na dapat naghihintay ng anumang kabayaran. Masiyahan na sa sweldo. Hwag ng magpapansin. Hwag ng ipagkaingay ang ginawang pagtulong. Gawin na lamang ang inaasahang gawin at magpasalamat na nagawa ang responsibilidad na iniaatang sa sarili.

Tama na ang epal. Tumulong na lang tayo sa mga nasalanta ng bagyo...

Trahedya

Trahedya

Sa gitna ng trahedya lumalabas ang kasamaan at kabutihan ng isang tao.

Ang bagyong Yolanda ay nagpadapa sa maraming probinsya ng Bisayas. Maraming mga bahay at mga estruktura ang nasira. Maraming buhay ang sa isang iglap ay nawala. Hanggang sa ngayon ay marami pa ring nawawala. Kailangan nila ng tulong.

Dahil sa nangyari lumabas ang kasamaan ng ibang tao at masasalamin ang trahedyang moral. Marami ang kumuha ng mga gamit na hindi sa kanila. Sa ganitong pagkakataon survival mode na marahil ang marami. Kailangan nilang gumawa ng mga bagay na hindi nila magagawa sa ordinaryong pagkakataon upang sila ay mabuhay. Marahil yung iba naman ay nanamantala lamang para sa pansariling kapakanan.

Pero sa gitna nito ay may magandang umuusbong. Nandun ang pagtutulungan ng mga tao upang bumangon. Kahit na nga mula sa ibang bansa ay nag-pledge upang tumulong. Kahit na nga ang Santo Papa ay nagpahatid ng kaniyang panalangin at pakikiisa sa pinagdaanan ng marami nating mga kababayan. Ang media ay gumagawa din ng paraan upang may maibigay na tulong. Maraming mga Simbahan ang gumagawa na din ng paraan upang makapaghatid ng tulong.

Mahirap man ang kanilang pinagdadaanan, marami man ang nawalan ng mahal sa buhay pero hindi naman nawala ang kanilang pananampalataya sa sa ting Panginoon. May mga kwento nga na wala silang naisalbang gamit ngunit ang dala dala nila ay mga imahe ng ating Panginoon.

Sa huli sama samang babangon ang Pilipinas. Naging hati hati man dahil sa pulitika, dahil sa magkakaibang opinyon at prinsipyo, dahil sa magkakaibang pananampalataya, sa huli lahat ay magkakaisa at magtutulungan na harapin ang pinagdadaanan.

Sa gitna ng trahedyang ito uusbong ang maraming biyaya!

Pagpalain nawa tayo na ating Panginoon…

Pagpapatawad

Pagpapatawad
(Lk. 17: 1-6)

“…kung pitong beses siyang magkasala sa iyo sa isang araw at pitong beses din siyang bumalik sa iyo na nagsisisi, patawarin mo siya.”

Hindi naman talaga madali ang magpatawad. Mahirap ang magpatawad lalo na sa mga taong paulit-ulit ang ginagawang pananakit ng damdamin sa atin.

Pero bakit itinuturo ni Hesus na magpatawad? Minsan ang iniisip natin kapag hindi natin pinapatawad ang isang tao, tayo ang may kapangyarihan sa kaniya. Pero kung ating susuriin, kapag tayo ay hindi nagpapatawad mas lalo nating hinahayaan siya na kontrolin ang buhay natin. Ang taong ayaw nating patawarin ang humahawak na sa ating damdamin. Hindi na tuloy tayo nagiging malaya.

Gusto ni Hesus na magpatawad tayo para na rin sa ating sarili. Lalaya lamang tayo kapag pinakawalan natin ang ating kinikimkim na galit. Hindi magiging kumpleto ang kasiyahan ng isang tao kung may dinadala sa sarili na sama ng loob sapagkat ito ang nagpapabigat sa paglalakbay sa buhay.

And Diyos ay nagpapatawad sa paulit-ulit nating pagkakasala. Ang pagpapatawad ay isang gawaing banal...

Magpatawad upang maging malaya!

Sabado, Nobyembre 9, 2013

Untitled

Untitled
(Lk. 20: 27-38)

May isang kwento tungkol sa isang pari na bumisita sa isang bahay. Nakilala niya ang isang nanay na may pitong anak. Sabi ng pari: “Gusto ko rin pong makilala ang inyong pitong anak.” Tinawag ng nanay ang panganay. Sabi niya: “Ito Father ang panganay. Juan ang kaniyang pangalan.” Tinawag niya ang ikalawa. Sabi niya: “Ito Father ang ikalawa. Juan ang kaniyang pangalan.” Tinawag niya isa-isa ang natitirang anak at sinabi niya na Juan ang pangalan ng mga ito.

Nagtanong ang pari: “Di po ba kayo nahihirapan sa pagtawag sa kanila kase pareho ang kanilang mga pangalan?” Sumagot ang nanay: “Hindi po ako nahihirapan Father kase tinatawag ko sila sa kani-kanilang mga apelyido!”

Para sa mga Hudyo mahalaga ang pamilya. Mahalaga na magkaroon ng kaayusan kaya nga kapag namatay ang asawang lalaki, ang kasunod na kapatid nito ay dapat na magpakasal sa babae upang mabiyayaan ng anak. Ito ang ginamit ng mga Sadduceo upang hamunin si Hesus tungkol sa buhay pagkatapos ng buhay na ito sapagkat sila ay di naniniwala dito.

Sabi ni Hesus ang mga namatay ay muling mabubuhay at di na mag-aasawa. Mabubuhay sila na parang mga anghel. Sa kabilang buhay ay magkakaroon ng makalangit na katawan. Doon ay wala ng kapighatian. Malulubos ang kagalakan sapagkat makakasama na ang Lumikha.

Isang katotohanan na makikita natin sa panahon ngayon ay ang kawalan ng paghahanda sa kabilang buhay. Dahil bata pa, malakas, walang sakit at dahil natatamo ang mga mithiin sa buhay, nakakalimutan na na meron pang mas mataas na dapat paghandaan: ang buhay sa kabila.

Marami ang nabubuhay sa kasalukuyan na tila ba ito lang ang buhay. Kaya nga marami ang nagiging makasarili, nagtatago ng kayamanan kahit na nga sa maling pamamaraan.

Ang pagdating ng bagyong Yolanda ay paalala sa atin na kailangan tayong maging laging handa. Meron pang mas mataas na pagpapahalaga sa buhay na ito at walang iba kundi ang pamumuhay ngayon pa man ng buhay sa kalangitan…

Patuloy nating ipagdasal ang mga napinsala ng bagyo. Ipagdasal din nating yung mga taon nasawi dahil sa kalamidad na ito.

Magkaisa tayo upang bumangon muli. Sama-sama tayo sa paglalakbay patungo sa buhay na walang hanggan.

Di na mag-aasawa sapagkat ang bawat isa ay magiging anak ng Diyos…

Si Hesus ang unang namatay na muling nabuhay. Ganun din ang naghihintay sa ating kapalaran kung tayo ay magpapakabanal...

Miyerkules, Nobyembre 6, 2013

Maglakad

Maglakad
(Lk. 14: 25-33)

Sumakay o maglakad? Ano ang pipiliin mo?

Madali ang sumakay. Di ka papawisan. Madali ka pang makakarating sa pupuntahan mo. Kung may dala, hindi ka mahihirapan.

Pag ikaw ay naglakad papawisan ka. Kahit na nga may payong ka pag nasinagan ka na ng haring araw siguradong papatak ang pawis mo. Kung galing kang palengke at may binili kang isda baka bilasa na iyon pagdating mo sa iyong bahay. Kung gulay naman ay baka lanta na at di na mapakinabangan pa.

Kung tag-ulan naman mababasa ang iyong paa at kung nakasapatos ka siguradong mangangamoy iyon. Dagdag pa diyan ang paglaki ng iyong kalyo sa mga paa mo. Pag ikaw ay naglakad di ka pa sigurado, baka mabiktima ka ng mga manggagantso.
Ano ngayon ang pipiliin mo, sumakay o maglakad?

Pinili ni Hesus ang maglakad. Hindi lang yun, pinili niya na pasanin ang krus. Mahirap man pero kinaya niya dahil ito lang ang paraan upang dumaloy ang biyaya ng kaligtasan para sa mga taong nakulong sa kasalanan. Sa pamamagitan nito pinalaya ni Hesus ang mga tao sa tanikala ng kamatayan.

Kung ito ang ginawa ni Hesus, Gusto mo pa rin bang sumunod sa kaniya?

Ang sabi ni Hesus: “Hindi pwedeng maging alagad ko ang di nagpapasan ng kanyang krus sa pagsunod sa akin.” Hindi lang pala basta sumusunod kay Kristo, dapat ay pinapasan ang krus na nakaatang sa kaniya. At si Hesus ang dapat na laging una. Mas una pa sa pamilya, mas una pa kesa sa sarili…

Sumakay o maglakad?

Maglakad tayo. Hwag mag-alala. Di ka nag-iisa sa paglakad sapagkat si Hesus ay kasama mong naglalakad. Sa dulo ng pagsunod sa kaniya ay naghihintay ang Ama…

Alienation

Alienation

If one is not familiar with the teachings of Karl Marx, there is the danger of judging all his works as unreasonable and not in conformity with the basic foundation of humanity especially in the teachings of religion. But reading his works would make a reader find a grain of gold that is relevant and applicable to life.

An example of this is his ideas about alienation. The term alienation speaks about the estrangement of a person towards the person’s essence. In this sense, a person can be divided and can have a crisis about his identity.

Marx outlines different kind of alienation applying it to a person working in a capitalist society:

1. Alienation of the person to the fruits of his labor. In the capitalist society, the one who controls everything is the capitalist. A worker becomes a paid instrument to perform for the benefits of the powers that be. He has no control on the outcome of his work.

2. Alienation of the worker from his work. In a capitalist society, the worker is identified with his work. The worker then becomes an object to be used and his remuneration is controlled and limited.

3. Alienation to himself. A person is a thinking being and not some kind of a machine that perform for a particular function. But in a capitalist society, a person is reduced to such. In fact, a worker is seen as an object to be exploited to expand the return of investment.

4. Alienation to other workers. Since there is a limited and controlled job opportunities, a worker must perform and outdo each other to stay hired. He must see to it that he stays competitive so he will not be removed and replaced by a better worker.

Marx’s theory of alienation is experienced by the millions of workers working in an inhumane working atmosphere. There are thousands working contractually rationalizing that it is according to law. There are workers receiving low salary. Even the basic salary outlines in the wages guidelines is not capable to support a family. Lucky if the parents make ends meet by the salary they receive.

Note here that Marx’s teaching ends by toppling the capitalist society in order for a person to be himself, to find his very essence, to free himself from these alienations. Man will be a person once he frees himself from the burden of capitalist society.

Marx's teachings echoes the unheard voices of workers to respect them as they are...person. Workers rights must be respected. Human rights are not removed from a person though he is hired by the capitalist. If we will just give to the workers their due they will no be alienated anymore.

Note: Christian teachings regard work in accordance to the plan of God to continue the propagation of earth. Man’s humanity is experienced fully if it is live with the divine.

Giving

Giving
(Lk. 14: 12-14)

Sa Bohol noong lumindol ng malakas ay may mag-ina na nasa second floor ng kanilang bahay. Tinangka nilang lumabas ng bahay. Nasa hagdan na sila ng tuluyan ng bumagsak ang bubong ng bahay. Agad niyakap ng nanay ang kaniyang anak. Nadaganan sila ng gumuhong bubong.

Noong i-rescue na sila, nakita na wala ng buhay ang nanay pero buhay ang anak na niyakap nito. Sabi ng anak: “Kung hindi sa aking nanay wala na ako dito. Kung hindi ibinigay ng aking nanay ang kaniyang buhay patay na sana ako.” Ang nanay ay nagpakita ng tunay na pagmamahal sa pamamagitan ng pagbibigay ng kaniyang sariling buhay.

Ang nanay na ito ay si Narcisa Barbanida at ang anak na nakaligtas dahil sa kaniya ay si Zedisa.

Ganito ang tunay na pagmamahal. Maipapakita ang pagmamahal sa pamamagitan ng pagbibigay. Sabi nga: “You can give without loving but you cannot love without giving.” Ang pagbibigay din ay hindi naghihintay ng kapalit.

Ito ang itinuturo ni Hesus kaya sabi niya kapag ikaw ay maghahanda ay iyong mga dukha, mga balewala, mga pilay at mga bulag ang dapat na imbitahan. Sila kase yung mga tao na walang kakayahang materyal na bagay na magbalik ng kagandahang loob.

Kapag ikaw ay nagbigay at naghihintay ka ng kapalit maaring hindi pagbibigay ang tawag dito. Ang tawag dito ay pagpapautang. O kaya sa ibang term ay investment. Gumagawa ng mabuti para sa kinabukasan at sarili din ang makikinabang sa kinabukasan .

Si Hesus ay nag-alay ng buhay at hindi naghintay ng kapalit. Ito ang tunay na pagbibigay. Ito ang ating tularan…

Sabado, Nobyembre 2, 2013

All Saints Day

All Saints Day

Sino ang paborito mong santo?

Ang isa sa paborito kong santo ay si St. Therese of Lisieux. Una kong nabasa ang kaniyang autobiography (Story of a Soul) noong ako ay nasa kolehiyo pa lamang. Nalaman ko na maagang namatay ang kaniyang nanay. Pumasok sa kumbento upang magmadre ang kaniyang dalawang kapatid.

Noong siya ay nasa edad na labinglima, ninais na niya na makapasok sa kumbento upang magmadre. Noong minsan na nag-pilgrimage sila sa Rome, lumapit siya sa santo Papa at humiling na payagan siyang papasukin sa Carmilite convent kahit bata pa siya. Noong makabalik na siya, siya ay pinayagan na maging postulant ng kumbento.

Sa kumbento siya ay nagkasakit ng tuberculosis. Bago siya binawian ng buhay ay isinulat niya ang kaniyang mga karanasan at ang kaniyang pamumuhay sa pamamagitan ng kasimplihan. Ang lahat ng kaniyang ginagawa kahit na gaano ito kaliit ay iniaalay niya sa Diyos. Binawian siya ng buhay sa edad na 24.

Hindi pala sa haba ng buhay matatagpuan ang kahulugan ng buhay. Hindi rin ito sa katanyagan at kayamanan. Ito ay nasa kasimplehan at pag-aalay ng mga ginagawa sa Diyos.

Si Sta. Teresa ay ideneklarang pantas ng Simbahan.

Ikaw sino ang paborito mong santo?

Ngayong All Saints Day, ginugunita natin ang mga Banal ng Simbahan. Sila ay hindi perpekto. Meron din silang nakaraan na kanilang pinaglabanan upang ang kalooban ng Diyos ay maisabuhay. Sila ay mga katulong nating sa paglalakbay. Sila ang patuloy na nagdarasal sa atin sa harapan ng Diyos. Sila din ay mga modelo natin sa ating buhay. Tularan natin sila.

Pwede ka bang maging santo? Pwedeng pwede!

Alalahanin natin: “Every saint has a past and every sinner has a future!”

Zakeo

Zakeo
(Lk. 19: 1-10)

Pandak ka ba? Ano ang ginagawa mo upang pagtakpan ang iyong kapandakan?

May isang kwento tungkol sa isang pamilya na mayaman na merong isang anak. Busy lagi ang mga magulang sa kanilang trabaho sa kanilang negosyo. Maaga silang umaalis ng bahay at gabi na din umuuwi kaya kumuha sila ng katulong at para may mag-alaga din sa kanilang anak.

Sa di inaasahang pagkakataon ay nalugi ang kanilang negosyo. Kaya ipinagbili nila ang malaki nilang bahay at lumipat sa isang maliit na bahay. Hindi na rin nila kayang magpasweldo sa kanilang katulong kaya pinaalis na din nila ito.

Dahil dito maaga na silang umuuwi ng bahay para asikasuhin ang kanilang anak. Isang gabi bigla silang niyakap ng kanilang anak at sinabi nito: “Nanay, Tatay sana po di na tayo maging mayaman para maaga lagi kayong umuwi at ng makasama ko lagi kayo.”

Doon napagtanto ng mga magulang na hangad ng anak ang kanilang presensya at para sa anak ito ay mas mahalaga kesa kayamanan. Nung sila ay mayaman nawalan sila ng panahon sa pamilya; Nung nawala ang kanilang kayamanan nabuo ang kanilang pamilya!

Sa Mabuting Balita gayon gayun din ang kwento. Nung siya ay mayaman nakalimutan niya ang Diyos pero nung binitiwan niya ang kayamanan natagpuan niya ang Diyos.

Sino ba si Zakeo? Siya ay isang pandak. Kulang sa height. Unano. At mahirap ang kalagayan na ganito. Mahirap at mabagal ang paglalakad. Laging nakatingala sa mga taong kausap. Pero ang mas nakakapampaliit pa sa kaniya ay siya ay itinuturing na isang makasalanan.

Isa siyang Hudyo pero maniningil ng buwis kaya itinuturing siya sa komunidad na mababa. Hindi lang siya maniningil, siya ay pinuno nito. Ang maniningil ng buwis ay itinuturing na madumi sapagkat hindi sila tapat at sila rin ay naglilingkod sa hari ng Roma at hindi kay Yahwe.

Mayaman man siya, siya naman ay itinuturing na mababa sa lipunan. Siya kabahagi ng lipunan pero itinuturing siyang makasalanan. Meron nga siyang pera pero tinatalikuran naman siya ng kaniyang mga kababayan.

Sa kaniyang kalagayan nasa puso pala niya ang paghahangad na matagpuan ang tunay niyang hinahanap: ang Panginoon. Nakituloy si Hesus sa bahay nito. Si Hesus na mismo ang nag-volunteer na tumuloy sa bahay nito. Sabi ni Zakeo: “Panginoon ibibigay ko sa mga dukha ang kalahati ng aking ari-arian; at kung may nadaya ako, apat na beses ko siyang babayaran.”

Pinalaya ni Zakeo ang kaniyang sarili sa pamamagitan ng pagbibigay ng kayamanan niya. Ang kayamanan pala na itinuring niya na magbibigay sa kaniya ng karangalan ay siyang umaalipin sa kaniya. Ang pera pala na itinuturing niyang magbibigay sa kaniya ng dagdag na tangkad upang kilalanin sa lipunan ay siya pang lalong nagpapababa sa kaniya. Ang gawain pala niya na inaakala niyang magdadala sa kaniya upang tanggapin ng lipunan ay siya pang nagpapalugmok sa kaniya upang siya ay layuan.

Ang kapandakan ni Zakeo ay tinakluban niya ng kayamanan. Pero sa kaniyang pagyakap sa kayamanan mas lalo pala siyang naging maliit at lalong nagkulang.

Pinakawalan ni Zakeo ang kayamanan sapagkat natagpuan niya ang Diyos na tunay na kayamanan.

Piliin natin lagi ang Panginoon. Gusto niyang makituloy sa ating tahanan...