Sabado, Pebrero 23, 2013

Imported Buddha

IMPORTED BUDDHA
(Lk. 4, 1-13)

May isang kwento sa isang manang na napakamatapobre at napakayabang. Minsan siya ay nag-tour sa Europe. Iba’t-ibang lugar ang kanyang pinuntahan. Ang sabi niya:” Siguradong maraming maiinggit sa akin kase ang dami kong napuntahan at upang lalo silang mainggit bibili ako nang mamahaling souvenir at iuuwi ko sa Pilipinas.” Pumunta siya sa isang souvenir shop at nagsimula siyang mamili nang bibilhin. Tinanong niya ang tindera kung alin ang pinakamahal. Itinuro siya sa mga display. Nakakita siya nang isang imahen nang Buddha na napakalaki at kumikinang na tila ginto. Binili agad niya ito kahit napakamahal. Kahit hirap siya sa pagdadala dito hindi niya ipinahawak ito sa ibang tao at baka daw magasgasan. Dumating siya sa Pilipinas at kanya itong ipinagyabang sa kanyang mga kaibigan. Ang sabi niya: “Dito ko sa may sala ilalagay para marami ang makakita.” Ilalagay na sana niya ito nang may mapansin siya sa ilalim nito. Ang nakalagay: MADE IN THE PHILIPPINES. At hinimatay ang manang. Nalinlang siya. Nadaya siya.

Ikaw, nabiktima ka na rin ba nang pandadaya?

Marami sa atin ang naging biktima na nang mga illegal recruiters na may pangako nang magandang trabaho sa ibang bansa pero hirap ang naging bunga. Ang iba naman bumubili nang akala ay original pero imitations lang pala. Marami din ang mga nabiktima na nang pyramiding scam at nang budol budol gang. Kampanyahan na ulit nang mga pulitiko at sigurado ako marami na naman sa atin ang magiging biktima nang mga magagandang salita at mga pangako nang mga kandidato na kapag nasa pwesto na ay bigla na lang maglalaho…

Sa Mabuting balita ngayon si Hesus ay tinangkang linlangin at dayain nang demonyo.

Una, hinamon siya na gawing tinapay ang mga bato. Kayang gawin ito ni Hesus. Nagawa nga niyang gawing alak ang tubig. Ang tinapay at isda ay kanyang naparami. Sa unang tingin ay parang wala namang masama lalo na at gutom si Hesus dahil sa pag-aayuno. Pero inaakit siya nang demonyo na gamitin ang kanyang kapangyarihan para sa pansariling kapakinabangan. Ang kapangyarihan ni Hesus ay para ilapit ang tao sa Diyos.

Ikalawa, tinukso siya na ibibigay ang lahat nang kaharian sa lupa kung sasambahin niya ang demonyo. Pero ang mundo ay pag-aari nang Diyos. Ang kayamanan nang mundo ay para sa ikabubuti nang lahat nang tao at hindi para sa iilan.

Ikatlo, tinukso siya nang demonyo na magpatihulog sapagkat di siya maaano sapagkat siya ay tutulungan nang Diyos. Sisikat si Hesus at hahangaan nang tao kapag ginawa niya ito. Pero di nagpadaya si Hesus. Kapangahasan na hamunin ang Diyos na kumilos sa isang kapahamakang sarili ang may gawa.

Kayamanan, Kapangyarihan, Kasikatan. Ito ay mga temptations kay Hesus. Pero hindi siya nagpalinlang. Alam niya ang turo nang Banal na Kasulatan: “Hindi lang sa tinapay nabubuhay ang tao;” “Ang iyong Diyos at Panginoon ang sasambahin mo at siya lamang ang iyong paglilingkuran;” “Huwag mong subukin ang Panginoon mong Diyos.” Kayamanan, Kapangyarihan, Kasikatan. Mga temptations din sa atin ito. Tularan natin si Hesus. Magbasa tayo nang Banal na Kasulatan. Huwag tayong magpadaya. Huwag tayong magpalinlang…

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento