Sabado, Pebrero 23, 2013

Hari nang Sablay

HARI NANG SABLAY

Kayo ba ay hari o reyna nang sablay?

Ako ang hari nang sablay.

Minsan ako ay galing nang Mindoro at paluwas nang Manila. Sumakay ako nang barko at dahil sa maaga akong umalis sa aming bahay ako ay inaantok antok pa. Natulog ako at nang nasa kalagitnaan na nang paglalakbay nagising ako at ako ay pumunta sa comfort room. May nakita akong nakabukas na pinto at ako ay pumasok doon. Ilang segundo na akong nasa loob nang mapansin ko na parang may kakaiba. May mga gamit nang babae sa loob. Mat tissue, napkin at kung anu-ano pa. Inisip ko parang mali ang napasukan ko. At nung ako ay lumabas tinangnan ko ang pinto. Ang nakasulat ay SHE. Dali dali akong lumakad palayo at baka may makakilala sa akin at sabihin: Si Father sa CR na pambabae pumasok…Sablay talaga. (Hwag nyong ipagsasabi yan, atin atin lang. Kahiya-hiya naman si father pag nalaman nang iba…He he he).

Ako ang hari nang sablay!

Tatlong lingo na ang nakakaraan ako ay nagpunta sa Luvers para sa blessing nang isang tindahan. Naglibut-libot na rin ako doon. Naubusan ako nang load kaya bumili ako nang load at ang sukli ay ibinili ko nang candy. Sumakay ako nang jeep pauwi. Pagkasakay ko sa jeep kumuha na ako nang pambayad. Laking gulat ko kase limang piso lang ang nakuha ko sa bulsa. Tiningnan ko ang aking bag, walang pera doon. Tiningnan ko ang aking pitaka. Buong 500pesos ang nandun. Sinabi ko na lang sa driver: “Pwede po bang 5pesos lang ang ibayad ko kase walang akong barya, buong 500 na yung pera ko, malapit lang naman ang pupuntahan ko.” Walang nagawa ang driver kundi tanggapin ang limang piso. Hiyang-hiya ako. At sa sobrang hiya ko hindi ako pumara sa harap nang simbahan. Malayo layo pa ang simbahan na uuwian ko ako ay pumara na at baka makilala pa akong pari at sabihin nila: “Si father limang piso lang ang ibinayad.” Pagkababa ko ako ay lumakad at habang naglalakad kinuha ko sa bulsa ko ang mga candy pero laking gulat ko kase meron pa pala akong sampong piso sa bulsa. Kinuha ko ito at ikinaway sa jeep na malayo na. Di na rin naibayad…

Ako ang hari nang sablay!

Ikaw, marami ka din bang sablay sa buhay? Marami ka bang pagkukulang? Marami ka bang kapalpakan? Kasiraan? Walang nakakaligtas sa mga yan. Maging matalino ka man, bata o matanda, sikat ka man, makapangyarihan ka man, magulang ka man, pari ka man…marami tayong kapalpakan. Ngayong simula nang kwaresma meron tayong pwedeng gawin para sa ating mga pagkukulang. Tatlong bagay: Prayer, Fasting and Abstinence and Almsgiving.

Prayer. Pagdarasal. Kailangan natin ito. Ang pagdarasal ay pakikipag-usap sa Diyos. Di natin makakausap ang Diyos sa Cellphone. Di natin siya makakausap sa telebisyon o kaya ay sa internet. Pumunta tayo sa simbahan o kaya tayo ay manahimik kung gusto natin siyang makausap. Sa ating panalangin ipaabot natin sa Diyos ang lahat nating pinagdadaanan at mga kapalpakan…walang pagtatago…walang maskara.

Fasting and Abstinence. Mahalaga ang kumain. Sa pamamagitan nang pagkain ito ay nagiging energy na kailangan natin sa ating mga gawain. Pero kapag di natin ginamit ang energy at marami tayong kinain ito ay nagiging taba. Kaya nga ang ibang tawag sa taba ay Reserve Energy (tanungin nyo nga ang inyong kasama: marami ka bang reserve energy?) Kailangan nating mag-fasting. Ang sabi nga ay di lang sa pagkain nabubuhay ang tao…Sa pagtanggi natin na kumain, dinidisiplina natin ang ating sarili at ipinapahayag natin na kaya nating kontrolin ang sarili. Gayun din bawasan natin ang mga pinagkakaabalahan natin. Kung nagtetext ka nang 500messages sa isang araw bawasan mo, gawin mong 200 na lang. Kung nanonood ka nang limang oras sa isang araw, bawasan mo (Juan de la Cruz na lang ang panoorin mo :))…Ito ay sakripisyo natin para sa Diyos. May value ang paghihirap at mga sakripisyo.

Almsgiving. Ang pag-aayuno ay di lamang ginagawa upang pahirapan ang sarili. Ginagawa natin ito sapagkat yung mga pagkain na sana ay ating kakainin ay ibibigay natin sa mga nangangailangan at nagugutom. Hindi magiging kumpleto ang paghahanda sa pagkabuhay ni Kristo kung hindi natin isasaalang-alang ang ibang tao lalo na ang mga nangangailangan.

Sa pamamagitan nang mga ito magiging handa tayo sa pagsalubong kay Kristong muling nabuhay. Ikaw man ay hari o reyna nang sablay hwag kang mag-alala nandiyan naman si Hesus ang Hari nang pagpapatawad at pagmamahal…

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento