Sabado, Pebrero 23, 2013

Huwag Patulog-tulog

Hwag Patulog-tulog
(Lk. 9, 28-36)

Mahilig ka bang matulog? Ilang oras ka matulog sa isang araw?

Ayon sa wikipidia habang nagkakaedad pala ang tao nababawasan ang kailangan niyang tulog. Sa kapapanganak hanggang dalawang buwan ang tulog ay dapat 12-18 hours. Pag tatlo hanggang 11 months dapat ay 14-15 hours. 1year to three years dapat ay 12-14 hours. Seven to five years dapat ay 11-13 hours. Five to 10years dapat ay 10-11hours. Ten to seventeen years dapat ay 8.5-9.5hours. Sa mga adults dapat ay 7-9hours. Mapapansin ninyo habang tumatanda nababawasan dapat ang tulog. Mahalaga kase ang pagtulog. Sa pamamagitan nito tayo ay nakakapahinga. Ang ating katawan ay nagrerepair nang mga cells upang may lakas ulet tayo paggising.

Pero may mga tao na kahit na nagkakaedad ay tulog pa din nang tulog. May mga tao na mas mahaba pa ang pagiging tulog sa pagiging gising. Sa mga nag-aaral, madalas tayong makakita nang estudyante na natutulog. Sa trabaho may mga mahilig din matulog. Sa misa ang dami ding natutulog (bakit kaya?)

Sabi nung mga tambay sa kanto kapag ginising ka daw nang boss mo habang nasa trabaho, pagmulat mo mag-antanda ka na lang daw nang krus at sabihing sa ngalan nang Ama, nang Anak at nang Espiritu Santo. Lusot ka…

Pero masama din pala ang sobrang tulog. Bakit? Kase may mga bagay na mahalaga na lumalampas at di natin napapansin kase natutulog tayo nang hindi dapat.

Tingnan ninyo ang mga alagad. Muntik na nilang mapalampas ang isa sa mahahalagang pinagdaanan ni Hesus. Nagbagong anyo si Hesus, nagbago ang kanyang mukha, nagningning ang kanyang kasuutan na naging puting-puti. Kausap niya ang dalawang pinakamahalagang personalidad sa Lumang Tipan: Si Moises na sumisimbolo sa Batas at si Elias na pinakamahalagang propeta. Ang presensya nang dalawang ito ay nagpapahiwatig na si Hesus na nga ang katuparan nang pangako nang Diyos. Pinatotohanan pa ito nag salita nang Ama: “ Ito ang aking Anak, ang aking hinirang. Siya ang inyong pakinggan.”

Nagising man ang mga alagad pero tulog pa ang kanilang isip at puso sa pananampalataya kaya sinabi nilang “dumito na tayo.” May plano ang Diyos at ito ang pinakamagandang plano. Pupunta na si Hesus sa Jerusalem upang harapin ang nalalapit niyang kamatayan. Ito ang gigising sa natutulog na puso nang bawat tao upang muling bumalik sa Diyos. Kailangang bumaba nang bundok sapagkat di pa tapos ang kanyang misyon. Ang misyong ito ang gigising sa natutulog na puso dahil sa kasalanan.

Tulog ka pa rin ba? Gumising na. Maghilamos at tikman ang masarap na kape dulot nang pagkabuhay ni Hesus…

Imported Buddha

IMPORTED BUDDHA
(Lk. 4, 1-13)

May isang kwento sa isang manang na napakamatapobre at napakayabang. Minsan siya ay nag-tour sa Europe. Iba’t-ibang lugar ang kanyang pinuntahan. Ang sabi niya:” Siguradong maraming maiinggit sa akin kase ang dami kong napuntahan at upang lalo silang mainggit bibili ako nang mamahaling souvenir at iuuwi ko sa Pilipinas.” Pumunta siya sa isang souvenir shop at nagsimula siyang mamili nang bibilhin. Tinanong niya ang tindera kung alin ang pinakamahal. Itinuro siya sa mga display. Nakakita siya nang isang imahen nang Buddha na napakalaki at kumikinang na tila ginto. Binili agad niya ito kahit napakamahal. Kahit hirap siya sa pagdadala dito hindi niya ipinahawak ito sa ibang tao at baka daw magasgasan. Dumating siya sa Pilipinas at kanya itong ipinagyabang sa kanyang mga kaibigan. Ang sabi niya: “Dito ko sa may sala ilalagay para marami ang makakita.” Ilalagay na sana niya ito nang may mapansin siya sa ilalim nito. Ang nakalagay: MADE IN THE PHILIPPINES. At hinimatay ang manang. Nalinlang siya. Nadaya siya.

Ikaw, nabiktima ka na rin ba nang pandadaya?

Marami sa atin ang naging biktima na nang mga illegal recruiters na may pangako nang magandang trabaho sa ibang bansa pero hirap ang naging bunga. Ang iba naman bumubili nang akala ay original pero imitations lang pala. Marami din ang mga nabiktima na nang pyramiding scam at nang budol budol gang. Kampanyahan na ulit nang mga pulitiko at sigurado ako marami na naman sa atin ang magiging biktima nang mga magagandang salita at mga pangako nang mga kandidato na kapag nasa pwesto na ay bigla na lang maglalaho…

Sa Mabuting balita ngayon si Hesus ay tinangkang linlangin at dayain nang demonyo.

Una, hinamon siya na gawing tinapay ang mga bato. Kayang gawin ito ni Hesus. Nagawa nga niyang gawing alak ang tubig. Ang tinapay at isda ay kanyang naparami. Sa unang tingin ay parang wala namang masama lalo na at gutom si Hesus dahil sa pag-aayuno. Pero inaakit siya nang demonyo na gamitin ang kanyang kapangyarihan para sa pansariling kapakinabangan. Ang kapangyarihan ni Hesus ay para ilapit ang tao sa Diyos.

Ikalawa, tinukso siya na ibibigay ang lahat nang kaharian sa lupa kung sasambahin niya ang demonyo. Pero ang mundo ay pag-aari nang Diyos. Ang kayamanan nang mundo ay para sa ikabubuti nang lahat nang tao at hindi para sa iilan.

Ikatlo, tinukso siya nang demonyo na magpatihulog sapagkat di siya maaano sapagkat siya ay tutulungan nang Diyos. Sisikat si Hesus at hahangaan nang tao kapag ginawa niya ito. Pero di nagpadaya si Hesus. Kapangahasan na hamunin ang Diyos na kumilos sa isang kapahamakang sarili ang may gawa.

Kayamanan, Kapangyarihan, Kasikatan. Ito ay mga temptations kay Hesus. Pero hindi siya nagpalinlang. Alam niya ang turo nang Banal na Kasulatan: “Hindi lang sa tinapay nabubuhay ang tao;” “Ang iyong Diyos at Panginoon ang sasambahin mo at siya lamang ang iyong paglilingkuran;” “Huwag mong subukin ang Panginoon mong Diyos.” Kayamanan, Kapangyarihan, Kasikatan. Mga temptations din sa atin ito. Tularan natin si Hesus. Magbasa tayo nang Banal na Kasulatan. Huwag tayong magpadaya. Huwag tayong magpalinlang…

Hari nang Sablay

HARI NANG SABLAY

Kayo ba ay hari o reyna nang sablay?

Ako ang hari nang sablay.

Minsan ako ay galing nang Mindoro at paluwas nang Manila. Sumakay ako nang barko at dahil sa maaga akong umalis sa aming bahay ako ay inaantok antok pa. Natulog ako at nang nasa kalagitnaan na nang paglalakbay nagising ako at ako ay pumunta sa comfort room. May nakita akong nakabukas na pinto at ako ay pumasok doon. Ilang segundo na akong nasa loob nang mapansin ko na parang may kakaiba. May mga gamit nang babae sa loob. Mat tissue, napkin at kung anu-ano pa. Inisip ko parang mali ang napasukan ko. At nung ako ay lumabas tinangnan ko ang pinto. Ang nakasulat ay SHE. Dali dali akong lumakad palayo at baka may makakilala sa akin at sabihin: Si Father sa CR na pambabae pumasok…Sablay talaga. (Hwag nyong ipagsasabi yan, atin atin lang. Kahiya-hiya naman si father pag nalaman nang iba…He he he).

Ako ang hari nang sablay!

Tatlong lingo na ang nakakaraan ako ay nagpunta sa Luvers para sa blessing nang isang tindahan. Naglibut-libot na rin ako doon. Naubusan ako nang load kaya bumili ako nang load at ang sukli ay ibinili ko nang candy. Sumakay ako nang jeep pauwi. Pagkasakay ko sa jeep kumuha na ako nang pambayad. Laking gulat ko kase limang piso lang ang nakuha ko sa bulsa. Tiningnan ko ang aking bag, walang pera doon. Tiningnan ko ang aking pitaka. Buong 500pesos ang nandun. Sinabi ko na lang sa driver: “Pwede po bang 5pesos lang ang ibayad ko kase walang akong barya, buong 500 na yung pera ko, malapit lang naman ang pupuntahan ko.” Walang nagawa ang driver kundi tanggapin ang limang piso. Hiyang-hiya ako. At sa sobrang hiya ko hindi ako pumara sa harap nang simbahan. Malayo layo pa ang simbahan na uuwian ko ako ay pumara na at baka makilala pa akong pari at sabihin nila: “Si father limang piso lang ang ibinayad.” Pagkababa ko ako ay lumakad at habang naglalakad kinuha ko sa bulsa ko ang mga candy pero laking gulat ko kase meron pa pala akong sampong piso sa bulsa. Kinuha ko ito at ikinaway sa jeep na malayo na. Di na rin naibayad…

Ako ang hari nang sablay!

Ikaw, marami ka din bang sablay sa buhay? Marami ka bang pagkukulang? Marami ka bang kapalpakan? Kasiraan? Walang nakakaligtas sa mga yan. Maging matalino ka man, bata o matanda, sikat ka man, makapangyarihan ka man, magulang ka man, pari ka man…marami tayong kapalpakan. Ngayong simula nang kwaresma meron tayong pwedeng gawin para sa ating mga pagkukulang. Tatlong bagay: Prayer, Fasting and Abstinence and Almsgiving.

Prayer. Pagdarasal. Kailangan natin ito. Ang pagdarasal ay pakikipag-usap sa Diyos. Di natin makakausap ang Diyos sa Cellphone. Di natin siya makakausap sa telebisyon o kaya ay sa internet. Pumunta tayo sa simbahan o kaya tayo ay manahimik kung gusto natin siyang makausap. Sa ating panalangin ipaabot natin sa Diyos ang lahat nating pinagdadaanan at mga kapalpakan…walang pagtatago…walang maskara.

Fasting and Abstinence. Mahalaga ang kumain. Sa pamamagitan nang pagkain ito ay nagiging energy na kailangan natin sa ating mga gawain. Pero kapag di natin ginamit ang energy at marami tayong kinain ito ay nagiging taba. Kaya nga ang ibang tawag sa taba ay Reserve Energy (tanungin nyo nga ang inyong kasama: marami ka bang reserve energy?) Kailangan nating mag-fasting. Ang sabi nga ay di lang sa pagkain nabubuhay ang tao…Sa pagtanggi natin na kumain, dinidisiplina natin ang ating sarili at ipinapahayag natin na kaya nating kontrolin ang sarili. Gayun din bawasan natin ang mga pinagkakaabalahan natin. Kung nagtetext ka nang 500messages sa isang araw bawasan mo, gawin mong 200 na lang. Kung nanonood ka nang limang oras sa isang araw, bawasan mo (Juan de la Cruz na lang ang panoorin mo :))…Ito ay sakripisyo natin para sa Diyos. May value ang paghihirap at mga sakripisyo.

Almsgiving. Ang pag-aayuno ay di lamang ginagawa upang pahirapan ang sarili. Ginagawa natin ito sapagkat yung mga pagkain na sana ay ating kakainin ay ibibigay natin sa mga nangangailangan at nagugutom. Hindi magiging kumpleto ang paghahanda sa pagkabuhay ni Kristo kung hindi natin isasaalang-alang ang ibang tao lalo na ang mga nangangailangan.

Sa pamamagitan nang mga ito magiging handa tayo sa pagsalubong kay Kristong muling nabuhay. Ikaw man ay hari o reyna nang sablay hwag kang mag-alala nandiyan naman si Hesus ang Hari nang pagpapatawad at pagmamahal…

Miyerkules, Pebrero 13, 2013

Kulang Kulang (Valentines Day)

Kulang Kulang (Valentine’s Day)

Ang buwan ng Pebrero ay buwan nang kulang. Kulang nang araw, kaya ang kabilin-bilinan nang matatanda, kung magpapakasal ay huwag Pebrero. Baka daw kulangin din ang biyaya. Pati nga daw ang mga taong isinilang nang buwan naito ay kulang-kulang din. Topakin. Sumpungin. Mau toyo ang utak. Iyan ang Pebrero. Buwan na kulang. Buwan nag mga kulang-kulang

.
Buti na lang, an...g Valentine’s Day ay sa Pebrero nalagay. Ang buwan na dati ay kulang ay nagging punum-puno dahil sa Valentine’s sapagkat ito ay tungkol sa pag-ibig. Hindi ba’t ang pag-ibig ang siyang nagpupuno kung saan man may kakulangan?


Ang pag-ibig nang Diyos ang nagpupuno sa pagkukulang nang tao. Sa kasaysayan nang kaligtasan, ang pag-ibig ni Hesus ang nagpuno sa kakulangan natin dahil sa mga kasalanan. Sa Mabuting balita, ang pag-ibig ni Hesus ang nagpuno sa pagkukulang ni Pedro. Ang sabi ni Pedro: “ Lumayo po kayo sa akin, Panginoon, sapagkat ako’y makasalanan.” May pagkukulang man si Pedro, pinuno ito nang puso ni Hesus. Sina Pedro, Santiago, at Juan ay maraming pagkukulang pero ditto ito naging hadlang upang tawagin ni Hesus upang sumunod sa kanya. Sa Miyerkules ay magpapalagay na naman tayo nang abo sa ating noo bilang tanda na kulang-kulang lahat tayo. Pero tanda din ito na tayo ay pupunuin nang pag-ibig ni Kristo

.
Hindi ba’t ang pag-ibig mo rin ang matagal nang nagpupuno sa mga kakulangan nang asawa mo. Nang mga anak mo, nang mga magulang mo, ng mga kapatid at kasambahay mo? At hindi ba’t ang pag-ibig din naman nang iyong pamilya ang matagal na ring nagpupuno sa mga kakulangan nang iyong pagkatao? At kung hindi dahil sa pag-ibig na iyon, marahil matagal na ring kulang-kulang ang pamilya ninyo.


Walang perpektong tao. Walang perpektong asawa. Walang perpektong anak. Walang perpektong magulang. Walang perpektong nilalang. Subalit mayroong perpektong pagmamahal na siyang nagpupuno sa ating mga kakulangan

.
Kaya sa halip na maghanap ka nang perpektong tao, ang pag-ibig mo na lang ang perpekin mo.
 

Hapi Valentine’s Day…

Martes, Pebrero 5, 2013

Pusong Bulag (Mk6,1-6)

Pusong Bulag

Bulag. Mahirap ang maging bulag. Ang bulag ay di makikita ang kagandahan nang pagsikat at paglubog nang araw. Hindi niya makikita ang kagandahan nang iba't-ibang kulay nang bulaklak. Hindi niya maa-appreciate ang ganda nang iba't-ibang tanawin...

Pero may isang pagkabulag na mas malala pa sa pagkabulang nang mata. Ito ang pagkabulag nang puso. Nabubulag ang puso kapag may galit ito. Nabubulag ang puso kapag nagtatanim tayo nang galit at sama nang loob. Nabubulag ang puso kapag mataas ang ating pride at ang ego. Kapag ganito ang nagyayari hindi na natin makikita ang kagandahan at kabutihan nang ibang tao.

Ang mga kababayan ni Hesus ay bulag din, bulag ang kanilang mga puso. Sarado na ito sa kabutihan na ginagawa ni Hesus.Di nila matanggap na isang galing sa kanila ay gagawa nang mga bagay na kanilang nabalitaan tulad nang mga pagpapagaling. Dahil binabangga ni Hesus ang kanilang sistema nang mataas na pagtingin sa kanilang sarili sinarhan na nila ang kanilang puso kay Hesus. Pinagdudahan nila siya.Hinanapan nang butas, hinanapan nang ikakapula. Wala silang pananampalataya. Sa maraming beses katulad din tayo nila...Nagiging bulag din ang ating puso...

Ana pagkabulag na ito ay di magagamot nang mga doktor. Sarili lamang ang pwedeng gumamot nito. Palayain ang sarili. Lumapit kay Hesus at buksan ang puso sa pagbabago.

Gusto mong makakita ang iyong puso? Palayain na ang sarili. Huwag magtanim nang galit. Tanggalin ang pride. Kilalanin ang kabutihan nang iba. Tanggapin natin si Hesus...

Lunes, Pebrero 4, 2013

agad agad (Mark 1, 16-20)

Agad agad. Ito po ang expression na sumisikat at nauuso sa panahon ngayon. Ano nga ba ang kahulugan nito?

Sa wikang Espanyol ito po ay Ora Mismo! Sa wikang English ito ay Now Na! Sa ibang salita sa tagalog ito ay Ngayon Na! Sa madaling sabi hwag nang magpatumpik-tumpik, hwag nang magpapabukas...

Sa Mabuting Balita ito rin ang naging sagot nang mga tinawag na alagad ni Hesus. Tinawag niya ang mga mangingisda at Agad Agad silang sumunod kay Hesus. Abala pa sila sa kanilang trabaho pero hindi sila nagdalawang isip na sumunod kay Kristo. Abala pa sila sa kanilang trabaho pero hindi sila nagdalawang-isip na sumunod kay Kristo. Iniwan nila ang kanilang trabaho, iniwan nila ang kanilang pamilya. Di sila nagtanong kung meron bang sweldo. Di sila nagtanong kung meron ba silang matutuluyan o kung meron ba silang supply nang pagkain. Di sila nagtanong kung meron bang 13nth month pay o kung may bonus kaya o kung may mapapala sila sa pagsunod sa kanya. Pero sumunod sila agad agad. Tumugon sila agad agad...

Tularan natin ang mga alagad. Tumugon din tayo sa panawagan at utos ni Hesus. Huwag na tayong magpatumpik-tumpik. Sumunod tayo. Ora Mismo! Now Na! Agad Agad...