Miyerkules, Mayo 1, 2013

On Labor Day

On Labor Day
(Feast of Saint Joseph)

Sa isang klase nang Christology sa isang kolehiyo napag-usapan ang tungkol ang remuneration o yung tungkol sa kung paano sukatin ang lakas paggawa at tumbasan nang kaukulang halaga. Papaano nga ba?

Sa mga pagpapalitan nang kuro-kuro maraming mga katanungan ang gumulat at bumulaga sa bawat isa, mga katanungan na hindi pinapansin kahit na nagdudumilat ang katotohanan saanman tayo tumingin. Mga katanungan na: Bakit merong mayaman at merong mahirap? Papaano nakuha nang mayayaman ang kanilang estado ngayon? Ito ba ay dahil sa kanilang pagsusumikap o ito ba ay galing sa di makatarungang mga gawa? Sabi nang iba, maaaring ito daw ay namana pero ganun pa din ang katanungan: Saan nakuha nang nagpamana sa kanila ang mga kayamanan na ito?

Bakit mas malaki ang sweldo nang nagtatrabaho sa magaganda at de-aircon na opisina kesa mga laborer na nagtatrabaho maghapon sa ilalim nang init nang sikat nang araw? Bakit ang mga magsasaka ipinagbibili nila ang mga magagandang klase nang palay at bigas at ang kanilang kinakain ay yaong mga mababang kalidad? Bakit ang mga mangingisda ipinagbibili nila ang mga mamahaling isda at ang kanilang kinakain ay yaong mga mumurahing huli nila?

Bakit nga ba hindi pantay ang buhay nang tao? Mayroong mga aba at mahihirap at sa kabila naman ay may nananagana?

Nagsimula daw na lumaki ang agwat nang mahirap at mayaman noong nagsimula ang Industrial Revolution. Mayroon na noong pagitan ang dalawa pero sa pagkakaimbento nang mga makina marami ang nawalan nang trabaho. Maraming mga manggagawa ang tinganggal at ang ipinalit ay mga makina na mas mabilis gumawa, mas consistent sa mga produkto, hindi nagrereklamo, at higit sa lahat mas mababa ang gastos kumpara sa pagpapasweldo. Kung dati noon ay maraming nagtatrabaho upang gumawa nang damit, sapatos at iba pa, napalitan ito nang mga imbensyon na ilang ulit na mas mabilis sa paggawa.

Tingnan natin sa karanasan nang mga magbubukid. Noong minsan na umuwi ako nang probinsya napansin ko na anihan na nang palay. Pero kapansin-pansin na umunti na yung mga taong nag-aani sapagkat mayroon nang mga makabagong makina na mas mabilis mag-ani nang palay. Lagyan mo lang nang gasolina at ilang tao na mag-ooperate nito madali na ang pag-aani. Bawas sa gastos at mas madami ang tubo. Pero ang tanong: saan na napunta ang mga dating nagtatrabaho sa pag-aani nang palay? Sabi nila ito daw ay katotohanan nang pag-unlad.

Ito ang mukha nang negosyo. Ang pangunahing prinsipyo ay: “Konte ang gastos, malaki ang kita. Mababang pasahod, lalaki ang tubo.” Pero sa ganitong prinsipsyo ang unang-una na isinasakripisyo ay ang lakas-paggawa. Kaya nga hanggang ngayon ay malikng usapin pa din ang mga contractual employees. (Tanungin nyo po ang mga kontrakwal na manggagawa lalo na sa gobyerno.)

Ngayong Labor Day maganda na alalahanin natin ang mga Catholic Social Teachings nang Simbahan. Ito yung mga turo at gabay para sa bawat isa na tumutukoy sa maka-Kristiyanong pagtingin sa bawat isa lalo na sa mga manggagawa.

Halimbawa dito ay ang turo tungkol sa tamang pasahod. Ang turo nang Simbahan ay: “Remuneration for labour is to be such that man may be furnished the means to cultivate worthily his own material, social, cultural, and spiritual life and that of his dependents, in view of the function and productiveness of each one, the conditions of the factory or workshop, and the common good.” (GS 67) The simple agreement between employee and employer with regard to the amount of pay to be received is not sufficient for the agreed-upon salary to qualify as a “just wage” because a just wage must not be below the level of subsistence of the worker: natural justice precedes and is above the freedom of the contract.” (RN 131)

Ang tamang sahod pala ay di nakabatay sa kontrata o sa pinagkasunduan. Ito rin kase ang ginagamit nang mga malalaking kumpanya upang kumuha nang manggagawa. At dahil sa hirap nang buhay tinatanggap na lang kahit na nga di makatarungan. Ang tamang pasahod ay dapat na nakakasapat sa pag-pupuno sa mga basic needs di lamang nang nagtatrabaho pero pati na rin nang kaniyang pamilya na umaasa sa kanya. Ang tamang pasahod ay nagdudulot sa isang tao kasama na ang kanyang pamilya na mabuhay nang “tao” at hindi kapantay nang hayop.

Alagaan natin ang mga manggagawa! Tulungan natin sila…

Mabuhay ang mga Mangagawa! Mabuhay si San Jose!

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento